Nakumpleto na ng Pilipinas ang lahat ng requirements para makakuha ng suplay ng bakuna ng AstraZeneca sa pamamagitan ng Covax facility.
Ayon kay WHO Country Representative Rabindra Abeyasinghe, kabilang dito ang nilagdaang indemnification agreement ng mga opisyal ng Pilipinas sa Covax para sa bakuna ng AstraZeneca.
Ani Abeyasinghe, hindi na humihingi ng hiwalay na indemnification agreement sa mismong recipient country ang AstraZeneca hindi tulad ng requirements ng Pfizer.
Sa kasalukuyan aniya ay kanila na lamang inaasikaso ang pagpapabilis sa delivery ng mga nabanggit na dose ng bakuna patungong Pilipinas.
Dagdag ni Abeyasinghe, nakareserba na ang 5.5 million sa 9.2 million dose ng bakuna ng AstraZeneca na nakalaan para sa bansa.
Samantala, tiwala naman si Abeyasinghe na hindi maaapektuhan ang suplay ng Pilipinas ng ulat na hindi na tatanggap pa ng karagdagang order ng bakuna ang AstraZeneca.