Pormal nang binuksan ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang COVID-19 vaccine one stop shop sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Customs – NAIA District Collector Carmelita Talusan, ito’y nakalaan para sa mga biniling bakuna ng Pilipinas mula sa mga bansang gumagawa nito.
Beinte kuwatro (24) oras aniyang bukas ang one stop shop na inilagay ng Department of Health (DOH), NAIA – Bureau of Customs at Bureau of Quarantine.
Dagdag pa ni talusan, tanging ang DOH at Food and Drug Administration (FDA) lamang ang pinapayagan ng Inter – Agency Task Force (IATF) na magbigay pahintulot upang makapasok ang mga nasabing bakuna sa bansa.
Pagtitiyak pa ni Talusan, mabilis ang magiging proseso ng pagpasok ng mga biniling bakuna ng sinumang grupo o organisasyon sa bansa kung agad maisusumite sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang kanilang aplikasyon. —ulat mula kay Raoul Esperas (Patrol 45)