Target ng vaccine negotiating team ng bansa na itaas sa 25 hanggang 30 milyong doses ang buwanang vaccine supply deliveries nito.
Ayon kay Vaccine Czar, Secretary Carlito Galvez Jr., na ito’y dahil aabot na sa 3.5 milyong doses kada linggo ang bilang ng mga bakunang naituturok na lagpas sa inaasahang 3 milyong doses lamang.
Kung dumating aniya ang inaasahang mas maraming suplay ng COVID-19 vaccines ay hindi malayong maabot na ng bansa ang 750,000 hanggang sa isang milyong matuturukan ng bakuna kada araw.
Magugunita na nitong buwan lamang ay umabot ng higit sa 8.2 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 ang natanggap ng bansa mula sa CoVax facility, mga binili ng pamahalaan, pribadong sektor, lokal na pamahalaan maging ang mga nanggaling sa iba’t ibang mga bansa.
Sa datos hanggang nitong Agosto 12 ay aabot na sa higit 12 milyong indibidwal na ang naturukan ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa.