Puno na ang COVID-19 ward ng Lung Center of the Philippines.
Ayon sa tagapagsalita ng ospital na si Dr. Norberto Francisco, resulta ito ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19.
Pahayag ni Dr. Francisco, sa dalawandaang hospital beds ng Lung Center, 101 o 55% dito ang inilaan para sa mga pasyenteng nagpositibo sa virus.
Sinabi pa nito, na ang lahat ng kanilang ward categories mula sa ICU beds, critical beds, isolation beds at cohorting beds, ay pawang okupado na ng mga pasyente.
Sa katunayan, mayroon pa aniyang pitong pasyente sa kanilang emergency room na kinakailangang ma-admit.
Bunsod nito, siniguro naman ni francisco na sa kabila nito, hindi titigil sa pagtanggap ng mga COVID19 patients ang Lung Center of the Philippines.
Patuloy aniya ang kanilang pagsisikap na maibigay ang atensyong medikal na kinakailangan ng mga indibidwal na nagtutungo sa kanilang pagamutan.
Dagdag ni Dr. Francisco, nagrekwes na sila sa DOH ng tatlumpong karagdagang nurses upang mas marami pa aniya silang matanggap na mga COVID-19 patients na nangangailangan ng agarang medikasyon.