Tumaas sa 5.9% ang COVID-19 positivity rate sa Metro Manila sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng nagkakasakit.
Ayon kay OCTA research group fellow, Dr. Guido David, ang nasabing bilang ay naitala noong June 25 kumpara sa 3.9% noong June 19 at 5.6% noong June 22.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na nasuri.
Inihayag ni David na sumirit na rin sa 11.9% ang positivity rate sa lalawigan ng Rizal mula sa 6.3%; Laguna, 7.5% mula sa 3.1% at Cavite, 6% mula sa 3.6%.
Gayunman, wala pa naman anyang dapat ikabahala ang publiko at hindi pa kailangang itaas sa moderate risk o ang Alert level status sa bansa, lalo’t kontrolado pa ang sitwasyon.