Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang nagbabawal sa diskriminasyon sa mga taong idineklara bilang ‘confirmed’, ‘suspect’, ‘probable’ at ‘recovered’ cases mula sa COVID-19, maging sa mga frontline workers.
Sa botong 204 na affirmative, zero negative at isang abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 6817 o ang COVID-19-Related Anti-Discrimination Act —isang araw makaraang aprubahan ito ng House Defeat COVID-19 Committee.
Sa ilalim ng naturang panukala, labag sa batas ang pagdiskrimina sa mga naturang COVID-19 patients at mga frontliners.
Layon ng House Bill 6817 na mabigyan ng proteksyon ang mga natamaan at nakarecover mula sa COVID-19, pati na ang mga frontline workers, partikular ang mga healthcare workers at service providers na nagbibigay serbisyo sa mga pasyente ng COVID-19.
Binibigyang pagkilala din umano ng nabanggit na panukala ang dignidad at kabayanihan ng mga frontliners na humaharap sa laban ng bansa kontra COVID-19.