Posibleng naabot na ng Baguio City ang rurok ng COVID-19 cases matapos bumagal ang hawaan o reproduction rate.
Ayon kay OCTA Research Fellow, Dr. Guido David, nakapagtala ng reproduction number na 1.86 sa lungsod noong January 26 mula sa 3.19 noong January 21.
Gayunman, kailangan pa anya ng ilang araw bago tuluyang makumpirma ang trend at kung naabot ang case peak.
Noon namang January 23, umabot sa 68% ang one-week growth rate habang nakapagtala ng 161.9% na average daily attack rate sa City of Pines, indikasyon na nasa severe risk classification risk ito.
Kabilang ang Summer Capital sa mga highly urbanized cities na nakapagtala ng mataas na bagong COVID-19 cases na 902 sa gitna ng paglobo ng nagkakasakit dahil sa Omicron variant.
Sa mahigit 226,000 active COVID-19 cases sa bansa, nasa 4,600 sa mga ito ay mula sa Baguio na mayroong total case load na 38,753 simula 2020.