Nakahanda pa rin si Communist Party of the Philippines (CPP) Founder Jose Maria Sison na makipag-usap kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan sa telepono.
Ayon kay Sison, inaayos na ni Labor Secretary at Government Peace Negotiator Chief Silvestre Bello III ang nasabing pag-uusap nila ng Pangulo sa telepono na posibleng gawin susunod na linggo.
Dagdag ni Sison, bagama’t posibleng magiging limitado lamang ang pag-uusap nila ni Pangulong Duterte, kanya namang natitiyak na mailalatag na dito ang mga batayan at agenda sa ilang beses nang naudlot na peace talks.
Huling nakapag-usap sa telepono sina Sison at Pangulong Duterte noong Disyembre 2016, kung saan natalakay ang pagsusulong sa naudlot na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at national democratic front.
Matatandaang noong Disyembre ng nakaraang taon napabalita ang planong pagpapabagsak ng CPP sa Pangulong Rodrigo Duterte ngayong taong 2018.
Ito umano ang target ng grupo para sa pagdiriwang ng ika-49 na anibersaryo nito.
Kasabay nito, ibinabala ng CPP ang mas marami pang kilos – protesta at ang mga pagkilos anito na isinasagawa ng mga manggagawa, jeepney drivers at iba pang sektor sa taong ito ay dress rehearsal lamang.