Tinabla ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang selebrayon ng ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Sa pahayag ni AFP Chief General Andres Centino, nabawasan ang puwersa ng CPP dahil sa pag-neutralize ng mga sinasabing top leader nito, pagbuwag sa may 21 guerilla front, gayundin ang pagwalis sa 340 conflict-affected barangay, dahilan ng pagsuko ng mga miyembro umano nito at pagbabalik-loob sa gobyerno.
Nanawagan din ang opisyal sa mga miyembro ng armadong sangay ng CPP na New People’s Army na abandonahin na ang pakikipaglaban dahil wala umano itong patutunguhan kundi ang pagkatalo.
Samantala, ayon kay AFP Spokesperson Col. Ramon Zagala na dahil sa kaliwa’t kanang pag-atake ng mga militar at pulisya ay humina na rin nang husto ang puwersa ng Jemaah Islamiyah, Daulah Islamiya, Bangsamoro Islamic Freedom fighters, at Abu Sayyaf Group. —sa panulat ni Mara Valle