Tinanggap na ng Communist Party of the Philippines o CPP ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong sa pagsugpo sa talamak na bentahan ng iligal na droga sa bansa.
Sa isang kalatas, binigyang diin ng Partido Komunista na matagal nitong isinusulong ang kampanya laban sa illegal drug trade.
Katunayan, sinasabing mayroong standing order ang CPP Central Committee sa New People’s Army para dis-armahan at arestuhin ang mga kriminal.
Kabilang umano rito ang mga malalaking drug traffickers na maaaring isalang sa pag-uusig o prosecution o kaya’y parusahan.
Tinukoy ng Partido Komunista ang kaso ng hepe ng pulisya sa Davao Oriental Province na kasalukuyang hawak nito dahil sa umano’y pagkakasangkot sa illegal drugs.
Not in favor
Kinontra ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Communist Party of the Philippines o CPP na tumulong sa pagsugpo sa mga drug traffickers.
Ginawa ni Lacson ang pahayag kasunod na rin ng iginiit ng Partido Komunista na mayroon nang standing order ang CPP Central Committee sa New People’s Army o NPA para kumilos tungkol dito.
Ayon kay Lacson, hindi dapat hayaang manghimasok sa trabaho ng mga pulis ang mga rebelde dahil mahahati ang gobyerno at labag ito sa Saligang Batas.
By Jelbert Perdez