May mga bago nang halal na opisyal ang CPP o Communist Party of the Philippines.
Inihayag ito ng CPP sa pamamagitan ng isang communique’ na inilabas kaalinsabay ng ika-48 anibersaryo ng grupo.
Ayon sa communique, sa kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na limang dekada, nagsagawa ng kongreso ang CPP noong October 24 hanggang November 7 sa isang lugar na binabantayan ng NPA o New People’s Army.
Hindi ibinunyag sa communique kung sino-sino ang mga bagong halal na opisyal ng CPP subalit, binubuo di umano ito ng mga mas batang cadres na inaasahang mas magiging agresibo sa pagsusulong ng ideyolohiya ng grupo.
Nakasaad rin sa communique na naamyendahan na rin ang sinusunod na konstitusyon ng CPP.
Napag-alamang isandaan at dalawampu (120) ang dumalo sa Kongreso na binubuo ng apatnapu’t limang (45) porsyento mula sa Mindanao, apatnapung (40) porsyento mula sa Luzon at labing apat (14) na porsyento mula sa Visayas.
By Len Aguirre
Photo: www.philippinerevolution.info/ website