Muling tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP sa pamilya ng college football athlete na si Keith Absalon at pinsan nitong si Nolven na hindi nila titigilan ang pagtugis at pagpapanagot sa mga miyembro ng CPP-NPA na nasa likod ng pagpapasabog ng IED sa Masbate City kamakailan.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar kasunod ng tila pagtetengang kawali ng komunistang grupo sa panawagang isuko ang kanilang mga kadre na responsable sa pagkamatay ng magpinsang Absalon.
Ayon kay Eleazar, walang aasahan mula sa mga rebelde na nagpapanggap lamang na nagsisisi sa kanilang ginawang pag-atake na ikinasawi ng dalawang inosenteng sibilyan at hindi naman ito naging sinsero nuong iuna pa lamang.
Binigyang diin pa ng PNP Chief na tila hindi man lamang kinastigo ng pamunuan ng Komunistang grupo ang mga tauhan nitong nasa likod ng pagpatay kina Keith at Nolven sa halip ay kinukonsinte pa nila ang mga ito na ipagpatuloy ang paghahasik ng terrorismo.
Giit pa ni Eleazar, ang lakas pumuna ng mga rebelde sa Pamahalaan at ginagamit pa nila ito para linlangin ang taumbayan subalit kinakanlong pa nito ang kanilang mga tauhan na nakapapatay ng inosenteng sibilyan.
Dahil dito, siniguro ni Eleazar na makikiisa ang PNP sa Armed Forces of the Philippines o AFP sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa CPP-NPA upang mabigyang hustisya ang pagkamatay ng magpinsang Absalon.