Ikinukunsidera na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) bilang teroristang grupo.
Inihayag ito ng Pangulo matapos bisitahin ang labi ng tatlong sundalo sa Cagayan de Oro City na pinatay ng New People’s Army (NPA) sa paraang overkill dahil tinadtad ang mga ito ng bala.
Ginawang batayan ng Pangulo ang anunsiyo ng NPA na pag-alis ng tigil putukan sa Pebrero 10 subalit pumapatay na ang mga ito bago pa man magpaso ang kanilang deklarasyon.
Galit ang Pangulo sa ginawang pagpatay ng mga NPA sa tatlong sundalo na nagtamo ng 73 tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan na indikasyon ng kawalang respeto sa kalabang walang dalang armas.
Nagbanta si Pangulong Duterte na gagawin rin niya sa mga rebeldeng NPA ang ginawa sa mga sundalo lalo na ngayong wala ng tigil-putukan para sa mga rebelde.
Back to prison cell
Kasabay nito, inihayag din ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibabalik na sa kulungan ang mga lider komunista na naging bahagi ng peace panel sa pakikipag-usap sa CPP-NPA-NDF sa Oslo, Norway at sa Roma.
Inatasan na ng Pangulo ang Government Peace Panel sa pangunguna nina Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Jesus Dureza at Chief Negotiator at Labor Secretary Silvestre Bello III na bumalik na sa Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, paglapag ng eroplano sa bansa ay agad ipaaaresto ang mga negosyador ng CPP-NDF at ibabalik sa kulungan.
Ang mga ayaw bumalik sa bansa ayon pa sa Presidente at ituturing na fugitives, kakanselahin ang mga pasaporte at ipapaaresto sa International Police.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, kung gustong gayahin si Jose Maria Sison na nag-seek ng asylum ay hahayaan niya ang mga ito dahil ang pinaka-nakakahiyang mangyari sa isang Pilipino ay ang mamatay sa ibang bansa.
By Aileen Taliping (Patrol 23)