Nagdeklara na ng walong araw na unilateral ceasefire ang CPP-NPA-NDF para ngayong nalalapit na Kapaskuhan.
Epektibo ang tigil-putukan sa hanay ng CPP simula alas-6:00 mamayang gabi hanggang alas-6:00 ng gabi ng Disyembre 26.
Masusundan pa ito ng alas-6:00 ng gabi ng Disyembre 30 na tatagal naman hanggang alas-6:00 ng gabi ng Enero 2.
Ang naturang hakbang ay bilang pakikiisa ng CPP sa pagdiriwang ng mga Pinoy ng tradisyunal na Pasko at ang ika-49 na taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista.
Una nang nagdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng suspensyon sa combat operations ng militar kontra NPA.
AFP
Samantala, inatasan ni Armed Forces of the Philippines o AFP Chief General Rey Leonardo guerrero ang mga sundalo na paigtingin ang depensa sa harap ng kapwa idineklarang unilateral ceasefire ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Guerrero, kanila nang inaasahan na paiigtingin ng komunistang grupo ang kanilang pagre-recruit sa kasagsagan ng pag-iral ng tigil-putukan.
Ipinaliwanag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang holiday truce ay para bigyan ng pagkakataon ang mga sundalo na makapagdiwang ng Pasko kasama ang pamilya.
Habang pagkakataon rin ito sa mga miyembro ng NPA na bumaba ng bundok at magkapagdiwang din ng Kapaskuhan sa kanilang mga tahanan.
—-