Pinag-aaralan na ng Communist Party of the Philippines o CPP ang pagdedeklara ng tradisyunal na tigil-putukan tuwing holiday season.
Ito ay sa kabila ng tuluyan nang pagpapatigil ng pamahalaan sa usapang pangkapayapaan.
Ayon kay CPP Founding Chairman Jose Maria Sison, posible silang magdeklara ng ceasefire bilang pagpapakita ng kababaang loob sa mga sundalong pagod at batak na rin sa pakikipagbakbakan.
Kasabay na rin aniya ng panahon sa mga miyembro ng New People’s Army o NPA na makapagpahinga at madalaw ang kanilang mga kaanak ngayong Kapaskuhan.
Iginiit din ni dating National Democratic Front of The Philippines Peace Negotiator Head Luis Jalandoni na pinahahalagahan nila ang kultura, kapakanan at ikabubuti ng mga Pilipino.
Senators on NPA attacks
Nais lamang magpakita ng lakas at pwersa ng rebeldeng grupong NPA.
Ito ang nakikitang dahilan ni Senador Panfilo Lacson sa sunod-sunod na pag-atake ng NPA sa tropa ng pamahalaan matapos ang tuluyang pagkakansela ng usapang pangkapayapaan.
Ayon kay Lacson, malamang sa tingin ng NPA na ang mabisang depensa ay ang pagsasagawa ng opensiba laban sa tropa ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Senate Committee on National Defense and Security Chairman Gringo Honasan, walang panalo sa anumang giyera o armadong labanan.
Iginiit pa ni Honasan kahit pa masustinihan ng npa ang guerilla war, sa huli ang tanong pa rin ay kung ano ang kanilang adhikain dito.
(Ulat ni Cely Bueno)