Posibleng paigtingin pa ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army o CPP-NPA ang kanilang opensiba laban sa pamahalaan.
Ito ay ayon kay CPP Founder Jose Maria Sison matapos na pagbantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang NPA na isasama sa listahan ng mga terorista at pag-aresto sa mga miyembro ng mga makakaliwang grupo.
Ayon kay Sison, walang ibang mapagpipilian na paraan ang NPA kundi ang palawakin at palakasin ang kanilang mga opensiba.
Gayundin ang hikayatin ang mga nanganganib na aktibista na sumama sa NPA upang makipaglaban.
Dagdag ni Sison, si Pangulong Duterte ang nangungunang terorista sa bansa dahil sa aniya’y hindi na makontrol at walang hanggan na pagnanais nitong pumatay.
Iginiit pa ni Sison na ang pagiging diktator, kriminal at tiwali ng administrasyon ay natuklasan na ng mga miyembro ng PNP at AFP na anti-Duterte, kaya’t mismong ang mga ito ang nakikipagtulungan sa oposisyon para mapatigil ang rehimeng Duterte.
—-