Kumikilos na ang Philippine National Police (PNP) para sa paglansag sa mga indibiduwal, grupo at sindikatong labis na sinasamantala ang sitwasyon para makapanlamang.
Ito’y kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP na arestuhin ang mga negosyanteng nananamantala at iligal na nag-iimbak ng mga gamot kontra COVID-19 at sa iba pang karamdaman.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, lubhang mapanganib aniya ang pagbebenta ng mga gamot sa labas ng mga lehitimong botika.
Kaya’t mainam aniyang sundin ang apela ng Food and Drug Administration (FDA) na sa mga FDA approved outlets lang bumili partikular na sa mga botika o pharmacia.
Iimbestigahan din aniya ng PNP kung paano nakukumbinsi ng mga kawatan ang publiko na makabili sa kanila ng mga produkto o gamot na hindi pa subok at iligal din aniya ang operasyon.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa iba pang ahensya ng Pamahalaan sa kung gaano kalaki o kalawak ang operasyon ng mga kawatan. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)