Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) na hindi ramdam ng mga kriminal ang kamay na bakal sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Junior.
Sagot ito ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Junior, matapos matanong sa press briefing sa Malacañang kung may takot pa rin sa batas ang mga kriminal dahil sa sunod-sunod sa kidnapping incident.
Ayon kay Azurin, imbes na tumaas ay bumaba pa aniya ang naitatalang krimen sa Pilipinas samga unang araw sa pwesto ni Pangulong Marcos.
Batay sa datos ng PNP, nasa 29,000 crime cases na lamang ang naitala sa unang 56 na araw na panunungkulan ni PBBM, kumpara sa 35,000 na naitala noong 2021.
Patuloy naman ang panawagan ni Azurin sa publiko na tulungan ang pambansang pulisya sa pagsugpo ng krimen pamamagitan ng pagre-report dito.