Pangkalahatang bumaba ang crime rate o bilang ng mga krimen na naitatala ng Pambansang Pulisya sa kasagsagan ng ipinatutupad na quarantine restrictions sa bansa bunsod ng pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, commander ng Joint Task Force COVID-19 Shield, na sa nakalipas na 210 araw o 7 buwan mula nang magpatupad ng quarantine restrictions ay bumaba ng 46% ang crime rate o katumbas na lamang ng 95 krimen na naitatala kada araw sa buong Pilipinas.
Kung ikukumpara natin ‘yan doon sa 210 days before itong ating quarantine, bumaba ng 46% ang krimen sa buong Pilipinas; 44% ‘yan sa Luzon, 50% ang ibinaba sa Visayas, at 44% sa Mindanao,” ani Eleazar.
Mas mababa aniya ito kumpara naman sa nagdaang pitong buwan bago ipatupad ang quarantine kung saan nakapagtatala ng 175 na krimen kada araw.
Pinakabumaba rin aniya sa kanilang mga mino-monitor na krimen ay ang mga kaso ng pagnanakaw.
Samantala, binigyang-diin naman ni Eleazar na, bagaman papaluwag na ang umiiral na quarantine restrictions sa bansa at unti-unti nang nagbubukas ang ekonomiya, ay malabo nang bumalik pa sa dating numero ang mga naitatalang krimen dahil aniya sa mas magandang latag ng seguridad sa buong bansa. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882