Pormal nang inihain ng liderato ng Kamara ang reklamo laban kay Senador Leila de Lima sa Department of Justice (DOJ).
Si De Lima ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 150 ng revised penal code matapos umanong pigilan ang dating driver bodyguard na si Ronnie Dayan na dumalo sa pagdinig ng Kamara sa isyu ng umano’y illegal drug trade sa NBP (New Bilibid Prisons).
Sina House Speaker Pantaleon Alvarez at Justice Committee Chair Reynaldo Umali ang naghain ng nasabing reklamo sa DOJ.
Senator Leila de Lima
Samantala, minaliit ni Senator Leila de Lima ang isinampang kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) at ethics complaint sa Senate Ethics Commitee laban sa kanya.
Ayon kay De Lima, ginagawa lamang ito ng ilang mambabatas upang iligtas ang kanilang sarili sa kahihiyan sa kinahinatnan ng isinagawang pagdinig sa Bilibid drug trade.
Aniya, bahagi ito ng personal at political agenda ng mga taong nasa kapangyarihan para pagtakpan ang katotohanan sa nagaganap na madugong kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
Sa huli, nanindigan ang senadora na sa kabila ng pag-atake sa kanya ay nananatili ang kanyang karangalan at integridad bilang babae at isang public official.
By Judith Larino | Rianne Briones | Cely Bueno (Patrol 19)