Para kay Angelo Cuevo, 21-anyos mula sa Plaridel, Bulacan, pinakamagandang regalo na maiaalay niya sa kanyang mga magulang ang kanyang nakuhang diploma.
Ayon kay Angelo, pangarap ng kanyang ina na makapagtapos siya ng pag-aaral.
Sa kasamaang-palad, hindi na nila naabutan ang graduation ng kanilang anak.
Sa halip, hawak na lamang ni Angelo ang larawan ng kanyang mga magulang sa kanyang graduation photo.
Papasok na bilang third year college student si Angelo nang pumanaw ang kanyang ama noong November 2022.
Apat na buwan lamang ang nakalilipas, noong March 2023, binawian din ng buhay ang kanyang ina.
Kapwa silang namatay dahil sa heart attack. May high blood pressure ang kanyang ama habang may diabetes ang kanyang ina.
Kwento ng binata, may panahong nakaburol pa ang kanyang ina ngunit kinailangan niyang pumasok sa paaralan dahil sa kanilang finals.
Gaya ng inaasahan, hindi naging madali para kay Angelo na mawalan ng magulang. Sa kabutihang palad, nariyan ang kanyang lola at tita na tumutulong sa kanyang pang-araw araw na pangangailangan.
Ginamit din niya ang naiwang ipon ng kanyang ama upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
At ngayon, tuluyan nang natupad ni Angelo ang kanyang pangako sa mga magulang nang makapagtapos siya sa kursong Bachelor of Science in Criminology sa Bulacan State University.
Malaking inspirasyon para kay Angelo ang kanyang mga magulang. Kahit wala na sila, alam niyang proud at masaya sila sa nakamit na tagumpay ng kanilang pinakamamahal na anak.