Isinailalim na sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 ang apat na lugar sa Mindanao dahil sa Bagyong Crising.
Ito, ayon sa PAGASA, ay makaraang lumakas pa ang Tropical Depression Crising na isa na ngayong Tropical Storm.
Sa 11 a.m. Severe Weather Bulletin ng PAGASA, isinailalim sa TCWS No. 2 ang mga sumusunod na lugar:
- southeastern portion ng Agusan del Sur (Trento, Santa Josefa)
- southern portion of Surigao del Sur (Lingig, City of Bislig)
- northern portion ng Davao Oriental (Boston, Cateel, Baganga)
- northeastern portion ng Davao de Oro (Compostela, Montevista, Monkayo, New Bataan)
Samantala, TCWS No. 1 naman ang itinaas sa mga sumusunod na lugar:
- nalalabing bahagi ng Surigao del Sur,
- nalalabing bahagi ng Agusan del Sur,
- nalalabing bahagi ng Davao Oriental,
- nalalabing bahagi ng Davao de Oro,
- Davao del Norte,
- Davao City,
- eastern portion ng Bukidnon (Impasug-Ong, City of Malaybalay, Cabanglasan, San Fernando, Quezon, City of Valencia, Lantapan, Maramag, Dangcagan, Kitaotao, Don Carlos, Kibawe, Damulog)
Huli namang namataan kaninang alas-10 ng umaga ang sentro ng Bagyong Crising sa layong 220-kilometro, silangan ng Davao City.
Kumikilos ito pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometers per hour (km/h).
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot naman sa 80 km/hr.
Dahil dito, asahan na ang katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan sa mga lugar ng Surigao del Sur, Agusan del Sur, Davao Oriental, Davao de Oro, at Davao del Norte sa pagitan ng Huwebes at umaga ng Biyernes.
Batay sa track ng PAGASA, posibleng tumama sa kalupaang sakop ng Davao Oriental-Surigao del Sur ang Bagyong Crising sa pagitan ng Huwebes ng gabi at Biyernes ng madaling araw.