Isinailalim sa quarantine sa Japan ang isang cruise ship na may sakay na mahigit 3,000 pasahero at crew.
Kasunod na rin ito ng pagiging positibo sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD) ng isang 80-taong gulang na pasahero na galing sa Hong Kong.
Pinasok ng quarantine officers ang Diamond Princess Cruise Ship sa Port of Yokohama para magsagawa ng pagsusuri sa 2,500 pasahero at 1,000 crew members nito.
Ayon kay Japan Top Government Spokesman Yoshihide Suga, mananatiling naka-quarantine ang barko sa Yokohama Bay kaya’t hindi muna pinababa ang mga pasahero na nasa kani-kanilang mga kuwarto muna.
Ang mga ito ay susuriin muna para matiyak na negatibo sila sa virus.
Sa ngayon ay mayroong 20 katao na sa Japan na nag positibo sa 2019 nCoV-ARD.