Umaasa ang dating Philippine Military Academy (PMA) cadet, Jeff Cudia na lalambot rin ang puso ng Korte Suprema at aatasan nito ang PMA na i-release ang kanyang transcript at iba pang dokumentong kailangan para makapasok sa ibang paaralan.
Inihayag ito ni Atty. Percida Acosta, abogado ni Cudia makaraang atasan ng Korte Suprema ang PMA na magbigay ng komento sa motion for clarification ni Cudia.
Ipinaliwanag ni Acosta na nais nilang mabigyang linaw ang naunang desisyon ng Supreme Court na kumakatig sa PMA nang patalsikin nila si Cudia dahil sa di umano’y paglabag sa honor code ng akademiya.
“Mga papeles na kagaya nung tinanggap ng kanyang mga kaklase ang pagkakaiba lang nila ay hindi siya nakomisyon bilang sundalo, dahil kami naman ay walang magawa sabi ng Supreme Court academic freedom, kung gusto ng PMA na siya ay ikomisyon, karapatan ng PMA, kung gusto siyang gawing sundalo, karapatan ng PMA, eh yung karapatang sinasabi nila kasama ba yan na yung subjects mo Algebra, English, o lahat na, lahat ng subjects eh wala na ba yun, burado na?” Ani Acosta.
Binigyang diin ni Acosta na ngayon kailangan ng pamilya Cudia ang positibong aksyon mula sa Korte Suprema.
Matapos aniya ang nangyari kay Cudia sa PMA ay na-stroke ang ama nito at hanggang ngayon ay hindi pa nakakapagsalita at paralisado na ang kalahating katawan.
“Wala siyang work actually na kumikita, volunteer volunteer lang yan, kumbaga kailangan ng panalangin ng ating mga kababayan, lalo pa yung tatay niya lalo pa ngayon na bed ridden at hindi nakakapagsalita baka sakaling malaman ng ama na nakuha ng anak ang kanyang diploma at record baka sakaling makapagsalita na.” Pahayag ni Acosta.
By Len Aguirre | Ratsada Balita