Pansamantalang itinigil ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang culling activities o pagpatay sa mga alagang baboy na pinangangambang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Ito ay matapos makarating sa kanila ang reklamo ng ilang mga residente ng Barangay Bagong Silangan kaugnay ng maling paraan ng paglilibing sa mga pinatay na baboy at pagtatapon ng mga ginamit na mga karayom at gloves sa proseso ng culling.
Ayon kay Q.C. Mayor Joy Belmonte, nagsagawa muna ng pagpupulong ang Quezon City solid waste management task force para i-assess ang kanilang disposal procedure sa pagsasagawa ng culling.
Dagdag ni Belmonte, dumarami ang bilang ng mga magbababoy na nagrereport at ipinasasailalim sa culling ang kanilang mga alagang baboy dahil na rin sa kanilang ibinibigay na tulong pinansiyal.
Habang wala aniya silang sapat na pondo para sa disposal o pagtatapon ng mga biohazard waste at nahihirapan din silang maghanap ng mga angkop na lugar para mapaglibingan ng mga pinatay na baboy.
Sa kasalukuyan, mahigit 3,700 nang mga alagang baboy mula sa mga Barangay ng Baong Silangan, Payatas, Pasong Tamo, Tatalon at Roxas ang isinailalim sa culling.