Nagpatupad ng curfew hour ang Cavite City kasunod na rin ng insidente ng pagsabog noong Miyerkules kung saan, tatlo sa pitong mga biktima ang naitalang nasawi habang apat naman sa kanila ang patuloy pang nagpapagaling sa ospital.
Ayon kay Mayor Denver Chua, ikinasa ang curfew sa mga kabataang edad 18 pababa na sinimulan alas-10:00 kagabi at natapos alas-4:00 kaninang madaling araw.
Sinabi ni Chua na mahalaga ang kaligtasan ng mga kabataan laban sa iba’t-ibang uri ng mga banta, kaya dapat mas higpitan ang seguridad sa kanilang lugar.
Matatandaang naaktuhan ng mga tanod ang dalawang grupo ng mga kabataang lalaki na nagkakagulo sa bahagi ng Sta. Cruz, Cavite City kung saan, isang suspek na may hawak na granada ang nagbanta na kaniyang tatanggalin ang firing pin kung siya ay huhulihin ng mga tanod.
Nataranta pa umano ang suspek na nagmitsa para kaniyang mabitawan ang hawak na granada at agad na sumabog.
Kabilang sa mga nasawi sina Julius Tindoc; Joseph Barrera; at Mark Gio Layug; habang nagpapagaling pa sa ospital sina Erickson Valenzuela; Alejandro Dizon; Reymart Patricio; at ang suspek na si Arjay Camacho habang ipinadala na sa City Social Welfare and Development Office ang isa pang suspek na kinilala namang si alias Daniel.
Samantala, nagpaalala naman si Chua sa mga kabataan na iwasang masangkot sa kaparehong uri ng kaguluhan para maiwasan ang anumang insidente at mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa.