Pinaikli na rin ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque City ang oras ng ipinatutupad na curfew sa lungsod, ilang araw matapos na mapalawig ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, mula sa naunang ipinatupad na 8 p.m. hanggang 5 a.m. na curfew hours, pinalitan na ito ng 10 p.m. hanggang 4 a.m.
Paliwanag ng alkalde, layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga restaurants at iba pang kainan na makapag-operate ng mas mahabang oras.
Gayundin aniya ay magkaroon ng mahabang oras ang mga residente na makapamili ng mga pangangailangan at makauwi ng tahanan mula sa trabaho lalu na’t limitado pa rin ang pampublikong transportasyon.
Una nang pinahaba ng iba pang mga siyudad sa Metro Manila ang kanilang ipinatutupad na curfew hours tulad ng Quezon City, Manila, at San Juan.