Pinagtibay ng Supreme Court o SC ang pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad sa Quezon City habang ipinatigil ang kaparehong ordinansa sa mga lungsod ng Maynila at Navotas dahil umano sa ilang probisyon nitong taliwas sa konstitusyon.
Sa desisyong pinonente ni Associate Justice Estela Perlas-Bernabe, naaayon sa konstitusyon ang Ordinance SP 2301, series of 2014 ng Quezon City.
Simula nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kampanya kontra droga noong isang taon, ipinatupad ang curfew sa Quezon City na nagbabawal sa mga menor de edad na lumabas ng bahay nang walang kasamang matanda simula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Samantala, tutol naman ang grupong Samahan ng mga Progresibong Kabataan na magpatupad ng curfew sa lungsod ng Maynila at Navotas.
Nakitaan ng SC ng ilang issue ang curfew ordinance ng dalawang naturang lungsod kaya’t ipinahinto ang pagpapatupad nito.
By Drew Nacino