Namemeligrong mapatalsik sa puwesto si Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon bunsod ng lumalaylay na kalusugan nito.
Ito’y makaraang ipabatid ng isang mambabatas na tumangging magpabanggit ng pangalan na isinugod umano ang customs chief sa isang ospital sa Taytay, Rizal sanhi ng atake sa puso.
Ayon pa sa nasabing mambabatas, kasalukuyang inoobserbahan umano si Faeldon sa East Medical Center sa nabanggit na bayan subalit, gising at nakakausap pa naman ito.
Una nang inatasan ng House Ways and Means Committee ang pinuno ng medical services ng Kamara upang puntahan si Faeldon sa ospital at alamin ang kundisyong medikal nito.
Magugunitang dalawang beses nang hindi nakadalo sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs si Faeldon kasunod ng kontrobersiya sa mahigit anim na bilyong pisong halaga ng shabu na nakalusot sa Aduana.