Hindi pa ligtas sa mga kaso si Customs Commissioner Nicanor Faeldon kaugnay sa 6.4 billion pesos na halaga ng shabu na nakalusot sa Port of Manila.
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte at superior ni Faeldon na si Finance Secretary Carlos Dominguez maging ng ilang senador.
Ayon kay Pangulong Duterte, irerespeto niya ang anumang kahihinatnan ng imbestigasyon ng Kongreso kaugnay sa kinasasangkutan ni Faeldon.
Matatandaang muling ginisa sa pagdinig ng House Ways and Means Committee hearing si Faeldon kaugnay sa nakapasok na 6.4 billion pesos na halaga ng shabu shipment mula China.
Binusisi ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang legalidad ng pagbuo ng command center ni Faeldon at ipinuntong hindi tamang magtatag ng tanggapan nang walang administrative order mula sa Department of Finance o DOF.
Bagaman tinanong ni Alvarez si Faeldon kung sino ang nagpayo na magtatag ng command center, walang naisagot ang Customs Chief.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez
Aminado naman si Customs Commissioner Nicanor Faeldon na posibleng kumalat na sa bansa ang mga iligal na droga mula China.
Inihayag ni Faeldon na maaaring may mga naunang kontrabando na ipinangalan sa EMT Trading bilang consignee ang matagumpay na ipinadala sa Pilipinas.
Ang EMT Trading din ang consignee ng shabu shipment na ibinagsak sa isang warehouse Valenzuela noong Mayo.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon
By Drew Nacino