Pinagbibitiw ni House Dangerous Drugs Committee Chairman Congressman Ace Barbers si BOC o Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa tungkulin.
Ito ay matapos na makalusot ang 6.4 na bilyong pisong halaga ng shabu sa BOC at dumaan pa sa green lane.
Ayon kay Barbers, dapat lamang ay managot si Faeldon sa insidente ng pagkakapuslit ng malaking halaga ng iligal na droga sa bansa.
Giit pa ng mambabatas, dapat rin aniya ay matukoy kung sino ang mga naging kasabwat sa BOC dahilan para makapasok sa bansa ang nasabing kontrabando nang hindi naiinspeksyon ng ahensya.
Malacañang
Hindi palalampasin ng Malacañang ang insidente kaugnay ng pagkakapuslit ng ilang toneladang shabu papasok ng bansa.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, tiyak na pinag-aaralan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang gagawing aksyon kaugnay sa nasabing insidente lalo’t mainit aniya ito sa iligal na droga.
Aniya, magkikita sila bukas ng Pangulo at kanyang aalamin ang magiging hakbang nito.
Gayunman, naging maingat si Andanar sa usapin kaugnay ng panawagan ng ilang mambabatas na pagbibitiw sa tungkulin ni Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Paliwanag ni Andanar, hayaan munang makapagpaliwanag si Faeldon sa Senado at Kamara at hintayin ang magiging pasya ng Pangulo kaugnay sa pagkakalusot ng 6.4 billion pesos na halaga ng shabu sa BOC.
By Krista de Dios | ulat ni Jill Resontoc (Patrol 7) / Aileen Taliping (Patrol 23)