Binigyang diin ni Senator Robin Padilla na dapat patawan ng death penalty o parusang bitay ang mga tauhan ng Bureau of Customs na sangkot sa smuggling sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture na pinangungunahan ni Sen. Cynthia Villar, kaugnay sa talamak na agricultural smuggling, ginisa ni Sen. Padilla ang BOC na pinaghihinalaang kasabwat ng mga smuggler.
Iginiit ng senador na maghahain siya ng panukalang batas na magpapataw ng parusang kamatayan sa mga opisyal ng BOC na mapapatunayang sangkot sa ilegal na gawain.
Ayon sa mambabatas hindi dapat pinamumugaran ng smuggling ang law enforcement kung saan, kulang ang parusang life imprisonment na ipapataw sa mga tiwaling opisyal ng BOC.
Sinabi ni Sen. Padilla, na isang kahihiyaan na mag-angkat ang Pilipinas ng agricultural products gayong sapat naman ang lokal na suplay ng mga produkto sa bansa.
Dagdag pa ng senador, na dahil sa mga smuggler, nahihirapan at nababawasan ang kita ng mga magsasaka sa mga lalawigan.
Bukod pa dito, dismayado din ang senado kung bakit hanggang ngayon ay wala pang napaparusahan sa Anti-Agricultural Smuggling Law na naipasa noon pang 2016.