Inamin ng mga opisyal ng Bureau of Customs sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senado na mayroong korupsyon sa loob ng ahensya.
Ito ang dahilan kaya umano nakalusot papasok sa bansa ang P6.4 billion drug shipment na nailagay sa green lane.
“There is you honor”, ito ang naging sagot ni bagong Customs Chief Isidro Lapeña nang tanungin ni Senator Panfilo Lacson kung may korupsyon ba talaga sa Customs.
“When I assumed as the commissioner of Customs, the information I got is there was this ‘tara’ system and the ‘tara’ system is actually a ‘lagay’ system to facilitate the movement of the goods of certain businessmen,” dagdag ni Lapeña.
Sinang-ayunan ito ng Chief of Staff ni dating Customs Chief Nicanor Faeldon na si Atty. Mandy Bautista kung saan ay regular aniyang umiikot ang pera sa Aduana.
Sinabi naman ni Customs Deputy Commissioner Gerardo Gambala na talamak ang extortion, harassment at palakasan sa BOC.
Sinabi rin ni Mandy Anderson, chief of staff ng Office of the Commissioner, na may sistema umano ng lagayan ng pera base sa pahayag ng mga empleyadong kanyang naka-usap sa Customs.
Ayon naman kay BOC Intelligence Officer Joel Pinawin ang sinasabing ‘tara’ system din ang dahilan kaya nailagay sa green lane ang P6.4 billion drug shipment mula China.
Ang green lane ay tinatawag na express lane kung saan nakakalusot ang mga kargamento na hindi dumadaan sa anumang inspection.
“It was highlighted na kaya po nakalabas ‘yung 605 kilos ng shabu … dahil po dumaan sa green lane. Since ito po ay general merchandise … Supposedly, dapat under sa red lane (may physical and documentary inspection), ang sinasabi po nila, kaya po nagiging green ay may binabayaran po sa BOC.” Ani Pinawin
Nang tanungin kung nakatanggap na siya ng ‘tara’ sa pitong taong pagtatrabaho sa Customs, sinabi ni Pinawin na hindi pa, na hindi naman kinagat ng ilang senador.
AR / DWIZ 882