Dapat pag-aralang mabuti ng Commission On Audit (COA) ang paggamit ng Department of National Defense (DND) sa kanilang cybersecurity fund ngayong taon na aabot sa P500M.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, hindi kasi naging maliwanag kung papaanong ginamit ng ahensya ang kanilang budget.
Paliwanag ni Hontiveros, nais niyang malaman kung pinagtutuunan ba ng ahensya ang banta ng China sa cybersecurity ng bansa.
Sa gitna umano ng pandemya, walang tigil ani Hontiveros ang China sa paninira sa West Philippine Sea at hindi rin nakagugulat na wala rin itong hinto sa pagtatangkang pasukin ang cyberspace ng Pilipinas.
Tinukoy ng senadora ang report, na sa gitna ng global pandemic noong Mayo, may grupo mula China na tumarget sa database ng mga ahensya ng gobyerno.
Kasunod nito, sa budget hearing ng senado, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na mayroon silang P500M pondo para sa cybersecurity at bahagi ito ng budget para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).