Kasado na ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Czech Republic kaugnay sa pagkuha ng isang libong manggagawang Pinoy na maaaring magtrabaho sa ilang kumpaniya sa Prague sa naturang bansa.
Ayon kay Philippine Embassy Charge d’affaires Jed Dayang, magbubukas ng oportunidad sa mga Pilipino ang mga kumpaniya sa Prague na may kinalaman sa automotive, electronics at manufacturing.
Dagdag pa ni Dayang napagkasunduan din sa pakikipagpulong ng mga kinatawan ng embahada at mga recruitment partners sa naturang bansa na isulong ang tinatawag na “ethical recruitment”.
Ito umano ay para walang madehado sa mga Pilipinong manggagawa at mga kumpaniyang kukuha sa kanila.
Pebrero nang buksan ng Czech Republic ang opurtunidad para mag-alok ng trabaho sa mga Pinoy bunsod ng lumalagong ekonomiya ng naturang bansa gayundin ang kanilang tiwala sa kakayahan at kasipagan ng mga Pilipino.
—-