Ikinalugod ng Department of Agriculture o D.A na maraming mga Provincial Local Government Units o PLGUs ang sumuporta sa direktang pagbili ng mga palay sa mga magsasaka.
Sinabi ni Agriculture Secretary William Dar, aabot sa 23 PLGUs ang nagpahayag na direkta silang bibili ng palay sa local farmers at inaasahang papalo ito sa halagang P4.95 billion.
Ayon kay Dar, naniniwala siya na malaking tulong ito sa mga magsasaka na makaahon sa patuloy na pagbaba ng presyo ng kada kilo ng palay sa bansa.
Kabilang ang mga lalawigan ng Isabela, Nueva Ecija, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Quirino, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cagayan, at Bataan ang nangakong maglalaan ng pondo upang may maipambili ng palay at assistance program.
Nagsagawa naman ng rice task force meeting noong October 15 ang mga PLGUs ng Kalinga, Mountain Province, Marinduque, Iloilo, Capiz, Bohol, Biliran, Zamboanga Sibugay, Sarangani at Agusan Del Norte.
Pahayag ni Dar, ang pagsisikap ng kanilang tanggapan na makipag-ugnayan sa mga provincial governors ay nagkakaroon na ng magandang resulta.
Sinisiguro aniya ng D.A na sa pamamagitan nito’y maibebenta na ang mga palay ng mga magsasaka sa katanggap-tanggap at tamang presyo.