Inupakan ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo ang Department of Agriculture dahil umano sa kawalan ng aksyon para mapababa ang presyo ng bigas.
Ito’y kahit umiiral ang mababang taripa at bumaba ang presyo nito sa world market.
Kinuwestyon din ng kongresista ang D.A. Kung bakit hindi pa rin nakabibili ang mga consumer ng murang bigas gayong ibinaba na sa 15% ang taripa mula sa dating 35% alinsunod sa executive order 62.
Aminado naman si D.A. Undersecretary Asis Perez na maging sila ay nagtataka kung bakit hindi bumababa ang presyo nito sa merkado gayong nagmura na ito sa world market.
Gayunman, hindi nagustuhan ng mambabatas ang tugon ng D.A. At iginiit na dapat ay maramdaman na ng mga mamamayan ang epekto ng E.O. 62 na ipinatupad simula noong Hulyo.
Magtatapos na anya ang Nobyembre at wala pa ring ginagawa ang kagawaran sa mataas pa ring presyo ng bigas at iba pang agricultural products, lalo’t inaasahang tataas ang konsumo sa pagkain ng mga Pilipino ngayong malapit ng mag-pasko at bagong taon.