Lusot na rin sa makapangyarihang Commission on Appointments si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.
Sa muling pagharap ni Manalo sa C.A., naitanong ni Senator Francis Tolentino kung ano ang gagawin ng D.F.A. upang himukin ang ibang mga bansa na ang Pilipinas ay sumusunod sa itinatakda ng human rights conventions.
ito’y sa kabila ng mga pag-atake na ginagawa ng European Union at Western countries sa mga isyu ng karapatang-pantao sa bansa.
Bilang tugon, tiniyak ni Manalo na sisikapin niyang makumbinsi ang ibang mga bansa na ang Pilipinas ay tumatalima sa human rights treaties, sa pamamagitan ng pagdalo sa U.N. Human Rights Council meeting sa Geneva sa susunod na linggo.
Ayon sa kalihim, gagamitin niya itong pagkakataon upang kumbinsihin ang foreign partners na ang Pilipinas ay sumusunod sa lahat ng human rights conventions at mahigpit na ipinapatupad ang human rights program at agreement.
Ipakikita din niya na ang Pilipinas ay fully-cooperative, bukas at transparent sa pagtugon sa mga human rights issues.
Dagdag pa ni Manalo, nais niyang magpatupad ng isang “positive approach” sa mga isyu hinggil sa karapatang pantao na ang magiging focus ay ang kooperasyon sa ibang mga bansa. —Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)