Binalaan ng Department of Health – Western Visayas Center for Health Development ang publiko laban sa pagtaas ng kaso ng hand, foot at mouth disease.
Simula Enero 1 hanggang Pebrero 4, nakapagtala na ng 2,350 H.F.M.D. cases sa nasabing rehiyon kumpara sa 132 cases sa parehong panahon noong isang taon.
Ayon kay Airene Legarda, Medical Technologist 2 at D.O.H. Regional Food and Water Borne Disease Program coordinator, nakatuon sila sa hygiene at sanitation dahil mabilis kumalat ang naturang viral disease.
Ang pagpapatuloy anya ng face-to-face activities ay maaaring isa sa dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga kaso.
Batay sa datos ng Regional Epidemiology and Surveillance unit, ang lalawigan ng Iloilo ang may pinakamaraming kaso, 1,132; Antique, 240 at Negros Occidental, 331.
Samantala, kabilang naman sa mga pinaka-lantad sa sakit ang mga batang edad isa hanggang lima.