Hinikayat ng Department of Agriculture sa Northern Mindanao ang mga magsasaka na gamitin ang suporta ng gobyerno para matiyak na ang mga ani ay madadala sa merkado at mabibili sa mataas na presyo.
Ayon kay DA-10 regional director Carlene Collado, kasalukuyan silang nagbibigay ng logistics support sa mga magsasaka sa pagbebenta ng kanilang ani sa pamamagitan ng Kadiwa Ni Ani at kita program sa ilalim ng mga lokal na pamahalaan, mga kooperatiba ng magsasaka at asosasyon.
Ginawa ni Collado ang apela kasunod ng isang nag-viral na post sa social media kaugnay sa isang magsasaka sa Lantapan Town, Bukidnon na nagtapon ng nasa 56 boxes ng hinog na kamatis matapos itong i-alok sa napakababang presyo ng mga consolidators sa Cagayan De Oro City.
Samantala, para maiwasan na mangyari ang kaparehong insidente, sinabi ni Collado na gumawa ng marketing agreement ang DA-10 sa Latapan Vegetable Farmers Multipurpose Cooperatives para tulungan ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa agricultural marketing firm na nag-aalok ng mas magandang presyo.