Ginisa ng mga senador ang Department of Agriculture at Bureau of Customs sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole dahil sa hindi matigil na smuggling ng agricultural products, tulad ng gulay at karne, at magkaibang datos sa importasyon, indikasyong may iregularidad dito.
Kinuwestyon ni senator Ping Lacson kung bakit nakalulusot ang technical smuggling ng gulay gayong napakahirap kumuha ng import permit at akreditasyon.
Kataka-takang paulit-ulit na aniya ang accreditation ng mga importer na na-blacklist at bakit hindi interesado ang BOC na mag-automate o mag-computerize ng sistema habang taong 2018 pa nila ito inalok na bibigyan ng pondo.
Tinanong naman ni senate president Tito Sotto, chairman ng Komite kung bakit wala pang naisasampang kaso para sa nasabat na smuggled agricultural products.
Bilang tugon, inamin ni Customs deputy commissioner Vincent Maronilla na nangangalap pa sila ng mga dokumento para mapalakas ang kaso habang nagpapatuloy ang procurement para sa kanilang automation sa tulong ng World Bank.
Inihayag naman ni DA assistant secretary Federico Laciste Jr. na hindi sila tumitigil laban sa smuggling, pero katulad ng ibang krimen, gaya ng sugal at droga, nagbabago ang mga ito ng taktika para sila maikutan.
Hindi pa anya automated ang DA kaya’t wala silang real-time monitoring ng importasyon at kaya iba ang datos nila kumpara sa aduwana.—mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)