Kinukunsidera ngayon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na lagyan ng Suggested Retail Price o SRP ang presyo ng mga karneng baboy at manok.
Ito ay dahil sa hindi maipaliwanag na pagtaas ng presyo ng manok at baboy kahit pa nananatili ang farm gate prices ng mga ito.
Ayon sa ulat, nasa 88 pesos hanggang 95 pesos ang farm gate price ng buhay na manok at inaasahang nasa 128 hanggang 140 pesos lamang ang market price nito.
Gayunman, nasa 160 pesos aktuwal na presyo sa merkado ng kada kilo ngayon ng manok.
Ang buhay na baboy naman ay may farm gate price na 125 hanggang 130 kada kilo kayat dapat itong ibenta sa halagang 200 pesos.
Pero lumilitaw na nasa 230 hanggang 250 pesos ang presyuhan ng baboy sa mga palengke.
Suspetsya ng DTI at DA, ginagamit ng ilang grupo na rason ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo para makapagtaas din ng presyo sa kanilang mga produkto.
—-