Sinabon ni Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sa pagdinig ng House Supercommittee ang Department of Agriculture at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno.
Ito’y dahil sa kabiguan pa rin na mapababa ang presyo ng bigas at iba pang produktong agrikultura.
Sa pagdinig ng Quinta Committee iginiit ni Garin na paulit-ulit na ang ang sinasabi ng mga opisyal ng DA at iba ahensya pero wala pa ring epektibong solusyon sa mataas na presyo ng bigas, pagkain at kasama na rin ang kuryente.
Iginiit pa ni Cong. Garin na makabubuting gamitin ng kamara ang oversight power nito para panagutin ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na responsable sa pagpapahirap sa buhay ng mga filipino.
Binatikos din ng mambabatas na kung saang planeta galing ang 58 pesos na maximum suggested retail price para sa imported na bigas.
Paano aniya mapapababa ang presyo ng bigas kung mismong ahensya ng agriculture ang nagpapako nito sa mataas na halaga. – Sa panulat ni Jeraline Doinog