Hihilingin ng DA o Department of Agriculture sa kongreso na mabigyan sila ng walumpung bilyong pisong (P80-B) budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, personal niyang pakikiusapan si Senate Commiittee on Finance Chairperson Loren Legarda na bigyan ang kagawaran ng P80-B para maisagawa ang mga programa na naglalayong mapaunlad ang sektor ng agrikultura.
Sinabi ni Piñol na ilalaan nila ang nasabing pondo sa programang pagpapautang sa mga magsasaka at mangingisda, popondohan ang produksyon ng bawang at sibuyas, pagtatanim ng palay, at iba pang programa ng kagawaran.
Nauna rito, inihayag ng kalihim na P36.4 bilyon lamang ang naaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa tier 1 budget sa taong 2018, mas mababa ng 21% sa budget ng DA ngayong taon na nasa P46 bilyon.
Listahan ng mga importer ng mga produktong agrikultura lilinisin
Nabibilang na ang araw ng mga importer ng produktong agrikultura ng karne, gulay, isda at iba pang produktong pang-agrikultura na kaduda-duda ang business operation.
Ito ang ibinabala ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol matapos makipag-ugnayan sa PNP o Philippine National Police para pangunahan ang pag-iimbestiga sa estado ng kumpanya na nag-aaplay sa DA para makakuha ng import permit ng mga produktong agrikultura.
Ayon kay Piñol, sinimulan nang suriin ang listahan na hawak ng Bureau of Animal Industry at Bureau of Plant Industry kung lehitimo ang kanilang operasyon at may kapasidad na makapag-angkat ng produkto sa ibang bansa.
Target aniya nilang matapos sa lalong madaling panahon ang mandatory evaluation at verification para tuluyang malinis ang listahan ng mga importer ng mga produktong agrikultura.
- Meann Tanbio