Hinikayat ni Agriculture Sec. William Dar ang publiko na tangkilin muna ang iba pang uri ng isda bilang alternatibo sa galunggong.
Ito ay sa gitna ng mataas na presyo ng galunggong bunsod aniya ng umiiral na closed fishing season partikular sa nabanggit na isda.
Ayon kay Dar, marami namang isda na maaaring maging kapalit ng galunggong gaya na lamang ng tilapia, bangus at iba pang isdang dagat na mura ang presyo.
Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture, pumapalo na sa hanggang mahigit 300 piso ang presyo ng kada kilo ng galunggong.
Una na ring sinabi ni Dar na kanya nang inaprubahan ang pag-aangkat ng umaabot sa 45,000 metriko toneladang galunggong para matugunan ang kakulangan sa suplay at mapatatag ang presyo nito sa mga pamilihan.
‘’Dapat nating intindihin na ang galunggong ngayon ay closed season meaning, nag bi-breeding sila. Meron naman ho tayong ibang pwedeng pag substitute sa galunggong. Mas mura pa mga tilapia, mga bangus, mga iba’t ibang galing diyan sa karagatan so hindi tayo dapat mag depende diyan sa galunggong. Meron naman na sardines.’’ ani Dar. — sa panayam ng Todong Nationwide Talakayan