Inamin ng Department of Agriculture (DA) ang umiiiral na kakapusan ng suplay ng karne ng baboy sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, dahil sa kakulangan ng suplay kaya’t umabot na sa P240.00 ang kada kilo ng karne ng baboy sa pamilihan.
Ipinaliwanag ni Piñol na hindi lamang sa Pilipinas nararanasan ang kakulangan ng suplay ng baboy kundi isa itong worldwide phenomenon.
Kabilang anya sa mga dahilan ng mataas na presyo ng karne ng baboy ang pagtigil ng mga backyard raising dahil sa matumal na bentahan noong nakaraang taon.
Naka-apekto rin umano ang malakihang pag-angkat ng karne ng baboy ng China at ang pagkalat ng porcine epidemic diarrhea na naka-apekto sa produksyon.
Tiniyak ni Piñol na kumikilos na sila upang solusyonan ang problema at isa lamang ang pag-angkat sa kanilang mga naiisip na paraan.
By Len Aguirre