Aminado ang Department of Agriculture (DA) na mahirap talagang pigilan ang smuggling ng karne sa bansa.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Jose Reaño, masaya na ang ahensya kung masusugpo nila ang kahit 90 porsyento ng smuggling ng karne.
Nagpahayag ng pagasa si Reaño na magiging katanggap-tanggap sa mga lokal na magbababoy ang mga inilatag nilang pamamaraan kung paano masusugpo ang smuggling ng karne.
Kasabay nito, sinabi ni Reaño na tali ang kamay ng pamahalaan sa pagpasok sa bansa ng mga imported na karne dahil isa ang Pilipinas sa mga lumagda sa World Trade Organization Agreement.
“Pumasok tayo roon, sabihin na natin na yung mga nakaraang administrasyon nang hindi tayo handa, sila handa na katulad ng sinabi ko nung pagpasok nila nai-waive ang Bank Secrecy Law nila, so kung magkano ang ideklara mo wala silang pakialam, pero pag na-inspeksyon ka dun ka na kawawa.” Pahayag ni Reaño.
Kaugnay nito, kumilos na ang pamahalaan upang tugunan ang hinaing ng mga lokal na magbababoy sa patuloy na pagpasok sa bansa ng mga smuggled na karne.
Kasunod ito ng bantang pig holiday ng mga mahigit sa 50 organisasyon ng mga magbababoy sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Reaño, may mga inilatag na silang bagong panuntunan mula sa pagpasok pa lamang ng mga imported na karne sa bansa hanggang sa paglabas nito sa Bureau of Customs patungo sa importer.
Ang Bureau of Animal Industry na anya ang maglalagay ng code kung ano ang puwedeng i-import na puedeng piliin ng importer sa computer.
Sinabi ni Reaño na nais rin ng Bureau of Customs na i-waive ng mga importers ang Bank Secrecy Law subalit doon lamang sa mga remittances nila sa bangko na galing sa pag-import ng karne.
Samantala may solusyon na rin anya sila sa mga pumapasok na pa-expired nang karne sa bansa na kabilang sa inirereklamo ng mga lokal na magbababoy.
“Kasi dito nagkakaroon ng kalokohan, yung expiring syempre sa ibang bansa giveaway na yan kahit legal yung pag-import mo kung ganun naman ang dadalhin mo sa merkado na expiry syempre murang-mura yun, kawawa naman ang ating magbababoy, ito kinukumpiska natin, bawal din ito, pinakamahalaga sa lahat, lahat ng may taripa na 10 porsyento pababa, total inspection ang gagawin namin, hindi pipiliin kundi bubuksan lahat siya para makita kung talagang tama ang laman niya o hindi.” Dagdag ni Reaño.
By Len Aguirre | Ratsada Balita