Inupakan ng grupong Anakpawis ang Department of Agriculture dahil umano sa walang-patid na pagpupuslit ng gulay at iba pang agricultural products.
Kinuwestyon din ni Anakpawis Party-List national chairperson at dating agrarian reform secretary Rafael Mariano kung ano na ang kinahinatnan ng anti-smuggling campaign ng gobyerno.
Ayon kay Mariano, tila mahina at wala pa ring silbi ang aksyon ng gobyerno kahit halos isang taon na simula nang itatag ang anti-smuggling task force na layuning pigilan ang pagpasok ng smuggled agricultural products sa bansa.
Mayo noong isang taon nang itatag ang sub-task group on economic intelligence na kapwa pinamumunuan ng DA at Department of Trade and Industry.
Dapat anyang marinig ng mga magsasaka ang paliwanag ng pamahalaan lalo’t nagreresulta na sa pagbaba ng farm gate price ng mga gulay at pagkalugi ng maraming magsasaka ang hindi matigil-tigil na smuggling.
Samantala, hinamon naman ng Anakpawis ang DA na tukuyin agad at kasuhan ng economic sabotage ang mga notorious smuggler ng gulay at agricultural products sa bansa.