Nilinaw ni Department of Agriculture deputy Spokesman Rex Estoperez na ikinukunsidera pa lamang ang planong pag-a-angkat ng sibuyas at wala pang pinal na desisyon ang gobyerno.
Ayon kay Estoperez, hindi nila minamadali ang importasyon at hindi rin lang naman sila ang nagdesisyon bagkus ay inirekomenda ito ng mga mismong magsasaka.
Ipinarating na anya nila kay Pangulong Bongbong Marcos, bilang kalihim ng DA, ang rekomendasyon at hinihintay na lamang ang pasya kung gaano karami ang aangkating sibuyas.
Bukod dito, binigyang-diin ng tagapagsalita ng DA na ikinukunsidera rin nila sa importasyon ang local production volume ngayong Enero hanggang matapos ang anihan.