Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa mga hindi susunod sa itinakda nilang suggested retail price (SRP) para sa piling agricultural products.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, sa ilalim ng price act, ang manipulasyon ng presyo ay may parusang pagkakulong ng mula 5 hanggang 15 taon at mula P5,000 hanggang P2-milyon.
Samantala, isa hanggang sampung taong pagkakulong naman ang parusa sa violation ng price ceiling at multa na mula P5,000 hanggang P1-milyon.
Sinabi ni Dar na aaraw-arawin nila ang sorpresang pagbisita sa mga palengke upang matiyak na nasusunod ang itinakda nilang SRP.
P190 per kilo ang itinakdang SRP para sa pigue at kasim ng baboy, P130 per kilo sa fully dressed chicken, P162 per kilo sa bangus, P120 per kilo sa tilapia, at P130 per kilo sa galunggong.
Nagtakda rin ang DA ng SRP para sa bawang na P70 kada kilo para sa imported at P120 kada kilo para sa local; P95 kada kilo naman ang pulang sibuyas; at P50 kada kilo ang refined sugar.